Saturday, July 11, 2009

KUWERDAS NG PANGARAP

KUWERDAS NG PANGARAP
(Kay Susan F.)

Kabataan kami noong naghahasa ng panulat
bumabangga sa pader ng kapangyariha't batas.
Ikaw naman ang sumasaliw na musika,
hinahaplos ang kuwerdas ng dusa't pag-asa.
Ang iyong kariktan at awit
ay kasumping sa pakikipagtagis;
ng panulat sa paninikil ng pangarap
at masalimuot na pakikibakang nilalandas.
Natutuhan natin noon sa pakikihamok
ang paninindiga'y bandilang itinutulos.
Pero sa kuwerdas ng pangarap at pag-ibig
tumulay tayo noon sa hibla ng sinulid.
Doo'y hinabi ang maraming panagimpan,
ang pighati't pagdurusa'y inilulan sa ulan.
Bawat wagas na mithi'y binabasag ng habagat
ang sumpa't panata'y inihahampas;
sa mga batuhan,pader at bundok
upang maging matatag ang pagtibok.
Pero mutya kang hinubog ng panahon
natutuhang salungatin ang alon.
Siniklot-siklot man ng daluyong at unos
nanatiling nakikitalad ang bukal na pag-irog.
Kariktan kang mataginting ang kuwerdas
ang handog na musika'y dinudurog ang bagabag.
Ibinahagi ang talino sa pag-awit
inihandog sa maraming pinagkaitan ng pag-ibig.
Naniwalang ang buhay,di pagkikimkim ng hapdi
ito'y batis na umaagos ang maraming luwalhati.
Para sa akin, ikaw'y iba sa iba,
hindi ka babaeng madaling durugin ang pagsinta.

15 Agosto 2001


Sa alaala ng yumaong matalik na kaibigang Susan
na maraming nabahaginan ng kanyang talino sa pag-awit.
Hindi siya malilimutan ng mga nagmamahal sa kanya.

Tuesday, June 30, 2009

SANDATANG PANULAT

SANDATANG PANULAT
(Kay Julius Fortuna)

May hatid na init ang lamig ng Hunyo
at luksang habagat,pagdalaw sa iyo.
Ang dagat ng apoy naging masilakbo
along humahampas bilang pagsaludo.
Bituin sa gabi maliyab ang sikdo
ningas ng silahis nag-aalimpuyo.

Marahil ang iyong pagyao'y may hatid
na bakas na dapat naming matangkilik.
Sa isang panahon ng pagmamalabis,
ng kapangyarihang pinaghari'y lupit.
Iyong sinalungat ang dahas ng tubig
upang mangibabaw katwirang nilupig.

Hindi ka nasindak sa kulungang rehas
kahit na siniil ang iyong pangarap.
At nang makalaya,talim ng panulat
sa d'yaryo'y dinilig ang dugo at utak.
Sinikap laktawan ang nagtimong sugat
upang makalaya't diwa'y makaalpas.

Kung iyong panulat sandatang humawan
sa kinikimkim mong laksang pagdaramdam.
Naroon ang giting na ginunam-gunam
upang bumalikwas sa lisyang lipunan.
Ipinakilalang ang sandatang tangan
ay iyong panulat sa huling digmaan.

24 Hunyo 2009



PAHINANG NAPILAS

Ang huling pahina ng k'wento'y napilas
sa mahaba-habang buhay na nilandas.
Naroon ang pait,tamis at pangarap
na dinala-dala bilang manunulat.
At sa bawat akda na iyong tinapyas
iba't ibang kulay ang naiwang bakas.

Sa dako pa roon ng liwanag-dilim
ikaw ay kinupkop ng mga bituin.
At narito kaming karugtong-mithiin
isulong ang iyong naiwang tungkulin.
Bilang manunulat handang kabakahin
silang nagtatangkang adhika'y lasunin.

Ang makabuluhan na nilikhang k'wento
bumusog sa diwa't uhaw na talino.
Sulo na tumanglaw nang upang matuto
sa nilalakaran na balighong mundo.
Nilikhang tauhan sa simula't dulo
mahalagang hiyas nitong pagkatao.

Kung ngayon ang huling pahina'y napilas
na k'wento ng buhay na dakila't wagas.
Bayaang alayan ng libong bulaklak
ang bawat isipan na pinamukadkad.
Bayaang ihatid ng luhang nalaglag
ang nilikhang akdang nag-iwan ng tatak.

Sa altar ng sining ikaw'y iluluklok
bilang huling kawal sa pakikihamok.
At sa panitikan dambanang matayog
ang iyong pangalang hindi malilimot.
Ikaw'y nakalulan sa bugso ng agos
bilang mandirigma ng "sigwa sa laot."


(Kay Genoveva Edroza Matute)
24 Marso 2009

Wednesday, December 3, 2008

Sunday, November 23, 2008

MGA MANGGAGAWANG TSINO SA IBAYONG DAGAT

Naisalin ng dalubhasang tagasalin na si Joaquin Sy mula wikang Tsino tungong wikang Filipino ang nobela ng manunulat na si Bai Ren ang kanyang akdang "Nanyang Liulang'ger" na nalimbag sa Hongkong at may pamagat na "Nanyang Piaoluigi" nang ilimbag ng Huacheng Publishing House ng Guandong para sa Mainland iminungkahi ng editor na ganito nga ang pamagat. Mababasa ang nobelang ito na nilapatan ng salin na "Lagalag sa Nanyang" ni Joaquin Sy.Inilimbag ng UP Press noong 2007.

Sa nobelang ito'y nalimbag ang dinanas ng mga "Huangke" o tawag ng mga Tsino sa kababayang naghahanapbuhay sa ibayong dagat."Huaquiao" naman ang Tsinong nasa ibayong dagat o "Hwakiao" sa Hokkien.batay na rin sa nagsalin ng akda.

Ito ang unang nobelang Tsino na nabasa ko, na kung hindi naisalin sa wikang Filipino ay di ko mauunawaan ang hirap na dinanas ng mga manggagawang Tsino mula pa noon.

Ang kabanatang "Mga Kuwento ng Matandang Huaquiao" ay makabuluhan paglalarawan ng naganap noon sa mga inaliping Tsino. Sa pagtatagpo sa kamarote ng pangunahing tauhan na si A Song,ang lagalag at matandang Bat Sithong ay naging mabisang lunsaran ng paghabi ng kuwento ng matandang Huaquiao.Ganito ang mahapding paglalarawan: "Ang mga sampang sinagsakyan ng maggagawang Tsino ay walang pinagkaiba sa mga sampang pinagsasakyan ng mga baboy.Patong-patong,dikit-dikit sila sa kamarote.Madalas ikinakadena ang mga manggagawang Tsino ang hindi makataong trato.Nag-alsa sila pagdating ng sampan sa Singapore.Pinatay nila ang mga dayuhan at inihagis sa dagat."

Ipinagpatuloy ni Bat Sithong ang kuwento kay A Song,"Lalong masaklap ang sinapit ng mga dinala sa Peru.Mas masuwerte ang mga dinala sa plantasyon.Hindi pa sumisikat ang araw ay umpisa na ng trabaho.Madilim na kung matapos.Sa gabi'y siksikan sa maliliit na tulugan;may kandado ang pinto.hindi sila makalalabas para umihi at dumumi,kaya't nakukulong ang baho sa silid.Masahol pa sa bilangguan.Lalo kawawa ang dinala sa isang isla para mangolekta ng tae ng ibon.Napakainit pero mamasa-masa ang klima roon. Umaalingasaw ang paligid.bawat manggagawa'y kailangang makakolekta ng sandaang kariton kada araw.Kay sama ng pagkain at hindi sila makainom ng malinis na tubig.Wala ring gulay kaya't maraming naiimpeksyon at namamaga ang mga binti at hita.Pero ang mga nagkakasakit ay hindi makapagpapahinga.kailangang lumuhod sila sa tumpok ng tae ng ibon alisin ang nakahalong bato.Matigil lang nang kaunti'y nilalatigo ng kapatas.Tumalon at nagpakamatay sa dagat ang hindi nakatiis sa labis na hirap.Pero hindi madali ang maging ang pagkitil sa sariling buhay.Nagtalaga ng mga amo sa mga bantay sa tabing-dagat.Kailangang pigain nila ang kahuli-hulihang patak ng dugo at pawis ng mga manggagawang Tsino."

Nagpatuloy si Bat Sithong sa pagkukuwento kay A Song."Ngunit hindi nasayang ang pagbubo ng dugo ng mga manggagawang Tsino.Niyanig ng paulit-ulit na pag-aalsa nila sa trono ng mga kolonyalista sa kanluran.Napilitan ang mga ito na itigil na ang bentahan ng "tiya" (tawag sa Tsinong "contract worker;" baboy ang literal na kahulugan) at baguhin ang kalagayan ng mga manggawang Tsino."

"Ngayo'y alam ng lahat kung gaano kayaman at kaunlad ang Amerika,Canada at Australia.Pero ilan ang nakakaalam sa naging ambag ng mga manggagawang Tsino sa mga bansang ito.Malaki ang naitulong sa pag-unlad ng Amerika ang daang-bakal na nag-uugnay sa silangan at kanluran.Mahigit sampung libong manggagawang Tsino ang nagtrabaho sa loob ng pitong taon para magawa ang pinakamahirap gawing bahagi ng daang-bakal na ito.Ilampung manggagawang Tsino rin ang gumawa ng daang-bakal na nag-uugnay sa iba't ibang bahagi ng Canada.Maraming manggagawang Tsino ang namatay dahil sa kakarampot na suweldo at kay hirap at kay bigat ng trabaho."

Naglaman ng mapait na karanasan ng mga manggagawang Tsino sa kabanatang sinipi ko, sa nobelang "Lagalag sa Nanyang" ni Bai ren at ito ang mensahe ng may akda sa kanyang EPILOGO sa nobela;

"Sa kasalukuyan tunay ngang may mga manggagawang Tsino sa ibayong dagat,ngunit kaamihansa kanila'y kailangang magtrabaho para kumain.Iba-iba man ang kanilang kapaligiran at kalagayan sa buhay,pare-pareho silang nakikipanirahan sa ibang bayan.kung kaya naman nabuo sa kanilang magkakatulad na damdamin,at iyo'y dili't iba ang pangungulila at pagmamahal sa Inang Bayan."

Ayon sa tala ng awtor inumpisahang isulat ang nobela sa Beijing sa tag-init noong 1979 at natapos sulatin sa Hongkong sa tagsibol ng 1982.

Friday, October 10, 2008

ANG NABALING PLUMA

Disyembre’y nagkumot ng lamig at dilim
habang lumulukob ang laksang bituin.
Ikaw pala Adrian, ang nakagupiling
bakit biglang-bigla nang kami’y lisanin?
Di inaakalang dagling tatabasin
sa tangkay ng buhay, karugtong-damdamin.

Lider kang tumanglaw sa aming panulat
karugtong ng pusod ang mithi’t pangarap.
Doon sa Dingalan na kanlungang-pugad,
pinagpala kami ng iyong paglingap.
Naroong umusok ang tamis at askad
ng mga pagtutol sa bayang may sugat.

Sa maraming aklat at laksang pahina
sumuso ng lakas ang diwa’t pag-asa.
May talim at talas angking pilosop’ya,
dunong na dalisay bigwas ng lohika.
Kaiba sa ibang huwad ang panata,
ang sumpa’t pangako’y laging kontra-banda.

At maraming bagay na kulang sa hulog
na sinisipat mo’t ituwid na tulos.
Pero kadalasa’y nagdulot ng kirot
sa ibang may balat-sibuyas ang loob.
Di maintindihan uyam na malamyos
pag-amba ng tudyo’y maantak na haplos.

Dahil nabihasa ang iba sa tapik
habang buong dahas na pumipilantik.
Tanging kaibigang pinakamalapit
nakauunawa ng iyong paghagkis.
Nagkakangitian sa sisteng bumatis
ng palipad-hanging inuuli-ulit.

Wala na,naglaho, ang brutal na prangka,
ADRIAN CRISTOBAL-tapat na kasama.
Ang plumang matalas ay nabaling pluma
upang magpahayag ng mga pagkontra;
pagkontrang ang tumbok,tuwirin talaga
kung putik ay putik landas ng istorya.


(Kay Adrian E. Cristobal)



TEO T. ANTONIO
23 Disyembre 2007

PAGBABA NG TELON

Bilang mandudula,tanghala’y umiyak
nagsara ang telon ng buhay na ganap.
Naulila sila ng tagpong nagwakas
na kinaulayaw ng iyong panulat.
RENE VILLANUEVA,ang naiwang bakas
ay makabuluhang dulang matitingkad.

Sa AKLAT ADARNA sadyang namutiktik
ang k’wentong pambata ng iyong panitik.
At sa iba’t ibang limbaga’y bumatis
PERSONAL na akdang tumanglaw na titis;
at naging liwanag sa musmos na isip
bumulas ang lusog ng diwa at dibdib.

Doon sa PALANCA iyong iminuhon
dalawampu’t siyam-first prize na umambon.
Nakipagtagisan sa bawat panahon
ang dula at k’wentong pambatang umusbong.
At pinamulaklak ating telebisyon
sa dulang BATIBOT na ikaw ang timon.

Ang grupo ng TELON nitong kabataan
pagsulat ng dula ay iyong pinanday.
Anupa’t ang iba’y lumago’t lumabay
ang taglay na sining tungo sa tanghalan.
Pinayabong sila ng iyong patnubay
hanggang sa mahinog ang katalinuhan.

At sa pelikula’y nagsulat ng iskrip
upang palawakin sining ng himagsik.
Gabing mabituin lumuhod sa langit
upang di gabihin kumander sa libis.
Ipinakilalang sa dulo ng batis
bukal ka,na hindi naubos ang tubig.

Kahit di pa dapat na ikaw’y malagas,
pero anong agang pinatay ang ningas.
Ningas kang tumanglaw sa musmos na hagap,
bukal kang nagdilig sa punlang bumulas.
Guro kang ang dunong hinandog sa lahat
na nais makita ang tunay na landas.

Ngayon sa pagbaba, telon ng tanghalan
sa dula ng buhay na ginagampanan;
naririto kaming mga kaibigan
na hawak ang sulo na iyong iniwan.
Sa dilim ng bansa sana’y makaigpaw
ang ningas ng sulo ng pakikilaban.

(Kay RENE O. VILLANUEVA)



TEO T. ANTONIO
5 Disyembre 2007