Friday, October 10, 2008

ANG NABALING PLUMA

Disyembre’y nagkumot ng lamig at dilim
habang lumulukob ang laksang bituin.
Ikaw pala Adrian, ang nakagupiling
bakit biglang-bigla nang kami’y lisanin?
Di inaakalang dagling tatabasin
sa tangkay ng buhay, karugtong-damdamin.

Lider kang tumanglaw sa aming panulat
karugtong ng pusod ang mithi’t pangarap.
Doon sa Dingalan na kanlungang-pugad,
pinagpala kami ng iyong paglingap.
Naroong umusok ang tamis at askad
ng mga pagtutol sa bayang may sugat.

Sa maraming aklat at laksang pahina
sumuso ng lakas ang diwa’t pag-asa.
May talim at talas angking pilosop’ya,
dunong na dalisay bigwas ng lohika.
Kaiba sa ibang huwad ang panata,
ang sumpa’t pangako’y laging kontra-banda.

At maraming bagay na kulang sa hulog
na sinisipat mo’t ituwid na tulos.
Pero kadalasa’y nagdulot ng kirot
sa ibang may balat-sibuyas ang loob.
Di maintindihan uyam na malamyos
pag-amba ng tudyo’y maantak na haplos.

Dahil nabihasa ang iba sa tapik
habang buong dahas na pumipilantik.
Tanging kaibigang pinakamalapit
nakauunawa ng iyong paghagkis.
Nagkakangitian sa sisteng bumatis
ng palipad-hanging inuuli-ulit.

Wala na,naglaho, ang brutal na prangka,
ADRIAN CRISTOBAL-tapat na kasama.
Ang plumang matalas ay nabaling pluma
upang magpahayag ng mga pagkontra;
pagkontrang ang tumbok,tuwirin talaga
kung putik ay putik landas ng istorya.


(Kay Adrian E. Cristobal)



TEO T. ANTONIO
23 Disyembre 2007

PAGBABA NG TELON

Bilang mandudula,tanghala’y umiyak
nagsara ang telon ng buhay na ganap.
Naulila sila ng tagpong nagwakas
na kinaulayaw ng iyong panulat.
RENE VILLANUEVA,ang naiwang bakas
ay makabuluhang dulang matitingkad.

Sa AKLAT ADARNA sadyang namutiktik
ang k’wentong pambata ng iyong panitik.
At sa iba’t ibang limbaga’y bumatis
PERSONAL na akdang tumanglaw na titis;
at naging liwanag sa musmos na isip
bumulas ang lusog ng diwa at dibdib.

Doon sa PALANCA iyong iminuhon
dalawampu’t siyam-first prize na umambon.
Nakipagtagisan sa bawat panahon
ang dula at k’wentong pambatang umusbong.
At pinamulaklak ating telebisyon
sa dulang BATIBOT na ikaw ang timon.

Ang grupo ng TELON nitong kabataan
pagsulat ng dula ay iyong pinanday.
Anupa’t ang iba’y lumago’t lumabay
ang taglay na sining tungo sa tanghalan.
Pinayabong sila ng iyong patnubay
hanggang sa mahinog ang katalinuhan.

At sa pelikula’y nagsulat ng iskrip
upang palawakin sining ng himagsik.
Gabing mabituin lumuhod sa langit
upang di gabihin kumander sa libis.
Ipinakilalang sa dulo ng batis
bukal ka,na hindi naubos ang tubig.

Kahit di pa dapat na ikaw’y malagas,
pero anong agang pinatay ang ningas.
Ningas kang tumanglaw sa musmos na hagap,
bukal kang nagdilig sa punlang bumulas.
Guro kang ang dunong hinandog sa lahat
na nais makita ang tunay na landas.

Ngayon sa pagbaba, telon ng tanghalan
sa dula ng buhay na ginagampanan;
naririto kaming mga kaibigan
na hawak ang sulo na iyong iniwan.
Sa dilim ng bansa sana’y makaigpaw
ang ningas ng sulo ng pakikilaban.

(Kay RENE O. VILLANUEVA)



TEO T. ANTONIO
5 Disyembre 2007

Wednesday, October 1, 2008

WIKA AT PAMBANSANG DANGAL

(Panayam sa Pamantasang Arellano
Agosto 30,2006-Kalye Legarda,Maynila)


Isang napapanahong paksa ang ipinataw sa aking balikat ngayon,”Wika at Pambansang Dangal.”Samantalang lumabas na ang Kautusang Pampanguluhan tungkol sa paggamit ng wikang Ingles bilang midyum sa pagtuturo sa lahat ng paaralan sa bansa.

Kung sinasabing ang sariling wika ang simbolo ng ating kultura at pagkalahi,ano ba tayo noon bago pa dumating ang mga Espanyol?Ano ang ating wikang ginagamit sa kapuluan?May sarili ba tayong sistema ng pamahalaan noon?Ano ang ating kultura o kalinangan?

Ibabahagi ko ang isang pangyayari,maaaring alam na ito ng inyong mga propesor,noong unang dako taong 980 o ika-10 siglo ang petsang nakaukit sa isang tansong metal(copper plate) na nahukay sa Siniloan,Laguna.Posibleng ibinenta ito sa mga antique collector at nabili naman ng isang archaeologist na Mr. Postman.

My nakaukit ding mga talata sa tansong metal na wikang Javanese,wikang Tsino,wikang Tagalog at gamit ang sinaunang alpabetong ALIBATA o BAYBAYIN.

Pinasuri ni Mr. Postman ang nakaukit na talata sa mga iskolar sa Malaysia,Indonesia at natuklasang ang nakaukit sa tansong metal ay tungkol sa isang pagwawalang-bisa ng utang ng isang taga-Tundo.Ibig sabihin,isang kasulatang iyon ng pagbabayad utang.

Ano ang silbi nito para sa iba? Kung hindi alam ng nakahukay ang halaga nito’y ibebenta na lamang kahit magkano.Pero hindi niya alam ang halaga ng nakaukit sa tansong metal ay bahagi ng wika at kultura ng ating bansa.

Posibleng bunga iyon ng kalakaran noon na tinatawag na barter trade. Ang katumbas ng salitang barter sa Tagalog ay BALIGYA at ang barter trade ay BALIGYAAN.

Sa tansong metal na iyon na nahukay sa Laguna ay patunay na mayroon na tayong sariling alpabeto na ALIBATA.May maunlad na pamumuhay at may sariling pamahalaan.Higit sa lahat may sarili na tayong kalinangan o kultura.

Kung ang ating karagatan ay sisisirin ay may modernong kagamitamg masisilip ang malalim na dagat ng Filipinas ay masasabing isa itong museo ng mga lumubog na barko mula sa iba’t ibang bansa sa Asya na nakikipagkalakalan noon sa ating bansa.

Marami nang nasisid o aksidenteng nakakuha ng mga artifacts mula sa mga lumubog na barko at ngayo’y nasa pangangalaga ng ating pambansang museo. Mahalaga ring malaman na ang matandang mapa ng ating bansa ay nasa bansang Tsina na may pangalang Malayo o Malaya at hindi pa Filipinas.

Pero sa pagdaong ng pananakop ng mga Espanyol sa kabila ng pagkalupig ni Ferdinand Magellan o Fernando Magallanes sa kamay ng mandirigmang Datu Lapu-lapu ay nangibabaw ang Krus at Espada ng mananakop na Espanyol.

Mula Cebu patungong Maynila ay sinalakay nila ang kaharian ng Tundo ni Raha Matanda at nakasagupa nila sina Panday Pira,,Raha Sulaiman na nagtanggol na mandirigmang pinuno sa ating pagiging marangal na lahi.

Ang unang lumasap ng bangis at lupit ng pananakop ng Konkistador na Espanyol sa kaharian na nasa Maynila ay ang mga karatig na lalawigang Tagalog at dumanak ang maharlikang dugo ng mga mandirigmang Katagalugan.Kaya’t hindi dapat kainggitan na ang walong silahis ng araw sa ating bandila ay sumasagisag sa walong probinsiyang Katagalugan na naghimagsik sa pananakop ng pamahalaang Espanyol.

Sa panahong iyon ng pananakop ng mga banyagang Espanyol,malinaw na pinangarap nina Jose Rizal,Marcelo del Pilar,Graciano Lopez Jaena at iba pang Filipino sa Madrid,Espanya bilang makabayang propagandista ang magkaroon ng pambansang kaakuhan(national identity) na nakasandig sa wikang Filipino.

Isa sa nilinang ni Rizal ang kuwentong-bayan “Pagong at Matsing” na iginuhit ni Juan Luna na bahagi na ng kasaysayan na unang komiks ng bansa.Pagkaraa’y
isinulat din niya ang mga batas ng panulaang Tagalog o Poetica Tagala.Isinalin din ni Rizal sa Tagalog ang akda ni William Tell para sa kanyang mga pamangkin. nagtangka rin si Rizal na makasulat ng nobelang Tagalog na “Makamisa” na hindi niya natapos.

Si Marcelo del Pilar nama’y nagtangkang sumulat ng aklat ng sanaysay na “Ang Kalayaan” na hindi rin niya natapos. Kung nabuo nina Rizal at Del Pilar ang kanilang akda ay magkakaroon ng matibay na haligi ang panitikang Tagalog na bubuo ng muog ng pagkakaisa ng mga Filipino bilang isang lahi.

Iniwan naman ng ating mga ninuno ang epikong nasusulat sa iba’t ibang wikain gaya ng “Biag ni Lam-ang” ng mga Ilokano,ang “Ibalon” ng mga Bikolano,ang “Darangan” ng mga Maranaw at “Hudhud” ng Mindanao.

Pero ang epikong Tagalog na “Pamatbat” na inaawit ng taumbayan na natuklasan ng iskolar na paring Espanyol Pray Chirino ay hindi natagpuan at natunghayan ng sumunod na salinlahi ng mga Filipino.

Tanging ang makabagong awit na “Florante at Laura” ni Francisco “Balagtas” Baltazar ang pinagpalang malabing alaala kahit naimpluwensiyahan na ito ng metrika romansa ng mga Espanyol.

Tulad ng mga epiko ng mga Ilukano,Bikolano na nalahiran din ng impluwensiya ng mga Espanyol at natagpuan pang may bahaging nasusulat sa wikang Espanyol.Masasabing na mestiso ang ating mga epiko.

Sa pag-aaral ng mga wikain sa Filipinas ng mga iskolar na paring Espanyol naging mahalagang saliksik ang aklat na”La Lengua Tagala” na diksunaryo ng matatandang salitang Tagalog at mga unang mga tula ng ating mga ninuno. Doon natin matutuklasan ang mga salitang Tagalog na limot na at di na ginagamit sa ngayon.

Kung wikang Espanyol ang ginamit nina Rizal,del Pilar at Lopez Jaena sa Madrid sa pangarap na kalayaan ng Filipinas,wikang Tagalog naman ang wikang ginamit sa himagsikan sa pagbubuo ng KATIPUNAN nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.

Mula sa hinagpis ni Balagtas,nasisilip ang paghuhunos ng kasaysayan ng ating bayang nakagapos “sa isang madilim gubat na mapanglaw” at nagnanasang makahulagpos sa tanikala ng pang-aalipin ng dayuhang Espanyol.

Isinulat niya ang “lugami at hapong” kalagayan ng bayan sa kanyang makabagong awit na “Florante at Laura” ang ganitong paglalarawan:


“Sa loob at labas ng bayan kong sawi
kaliluha’y siyang nangyayaring hari;
kagalinga’t bait ay nalulugami
ininis sa hukay ng dusa’t pighati.

“Ang magandang asal ay ipinupukol
sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong
balang magagaling ay ibinabaon
at inililibing ng walang kabaong.”


Iyon ang hinagpis ni Balagtas sa mapaniil na pamahalaang Kongkistador na Espanyol.Pagkaraan ng kanyang hinagpis ay magiging hibik ito gaya ng tula ng makatang Herminigildo Flores na “Hibik ng Filipinas sa Inang Espanya,”

“Datapuwa’t sa aki’y daya at pag-api
ang siyang nakaya palang iginanti.
Kaya hangga ngayon sa ikabubuti
ng kalagayan ko’y wala pang masabi.”

“Gayunma’y ako pa ang siyang masama
kung aking idaing yaring pagka-aba.
Sari-saring dusa nama’y nagbabala
Sa balang dumamay sa aking pagluha.”

At sa sasagutin ang paghibik na ito sa tulang “Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas” ng makatang Marcelo del Pilar sa mapanudyong pasaring;

“Mapanglaw na sumpa ng poong Maykapal
sa tamad na puso ay kalumbay-lumbay;
kayong nagpabaya sa sariling bayan
anya’y dapat lamang aking pabayaan.”


…”Ito na nga lamang ang maisasagot
ng salantang ina sa hibik mo irog;
sasakyan mo’y gipo,huwag matutulog
ang mga anak mo’t may sigwa sa laot.”

Pagkaraa’y wawakasan ang paghibik mula sa paghihinagpis ng”bayang sawi” sa tulang “Katapusang Hibik ng Filipinas” ng makatang Andres Bonifacio,ang “Ama ng Himagsikang Filipino” sa ganitong marahas na saloobin;

“Sa sangmaliwanag ngayon ay sasabog
Ang baril at kanyong katulad ay kulog;
Ang sigwang masasal na dugong aagos
Ng kanilang bala na magpapamook.”

“Di na kailangan sa Espanyang awa
Ng mga Tagalog,O,Inang kuhila;
Paraiso naming ang kami’y mapuksa
At langit mo naman kung kami’y madusta.

Sisiklab ang himagsikang Filipino laban sa mahigit na 300 taong pananakop ng kolonisador na Espanyol,lalawak ang apoy ng himagsikan.

Iniwan sa atin ng Katipunan,Kataas-taasan,Kagalang-galangang mga Anak ng Bayan ang “Sampung Katungkulan ng Gagawin ng mga Anak ng Bayan” na isinulat ni Bonifacio at ang “Kartilya ng Katipunan” ni Emilio Jacinto.

Pagkaraa’y sasalakay ang bagong kolonisador na Amerikano at tataglayin ng susunod na henerasyon ng mga makata’t manunulat ang sulo ng”makabayang adhika” na noo’y pinapapatay at halos mamatay-mabuhay sa madugong pananakop ng bagong mang-aaliping banyaga.

Lilikhain ni Aurelio Tolentino ang sedisyosong dulang “Kahapon,Ngayon at Bukas” na sasalakayin ang pagtatanghal sa Kamaynilaan ng mga Amerikano.Isusulat ni Faustino Aguilar ang nobelang “Pinaglahuan” at ni Lazaro Francisco ang nobelang “Ilaw sa Hilaga” na naglalaman ng makabayang adhika tungo sa kalayaan ng bansa.

Susundan ito ng susunod na henerasyon ng mga makata at manunulat,bubuuin ni Jose Corazon de Jesus ang mahabang tulang pasalaysay na “Sa Dakong Silangan” na naglalarawan ng pagkagapos ng Inang Bayan sa pang-aalipin ng dayuhan. Malilikha ni Lope K. Santos ang nobelang “Banaag at Sikat na may pagkiling sa sosyalismo.Susulat si Alejandro G. Abadilla ng nobelang ”Pagkamulat ni Magdalena” na hinubaran ang dogmatikong paniniwala sa sekswalidad.Malilikha ni Amado V. Hernandez sa bilangguan ang aklat ng tulang “Isang Dipang Langit,” pagkaraa’y ang nobelang “Ibong Mandaragit” at “Bayang Malaya.” Maiiwan sa alaala ng mga makabayan ang isinulat na tulang “Panata sa Kalayaan” at “Kung Tuyo na ang Luha Mo.”

Sa panahon ng Commonwealth o Mala-sariling Pamahalaan,lilikha ang Pangulong Manuel Quezon ng kautusang pampanguluhan blg.134 na dapat magkaroon ng pambansang wika na ang saligan ay wikang Tagalog.
Lilikha naman si Lope K.Santos ng “Balarila” o gramatika sa Tagalog at magiging aklat sa pag-aaral ng pambansang wika.Lalaganap sa mga paaralan at unibersidad ang pag-aaral ng wikang pambansa pagkaraa’y aalisin sa paaralan an g pag-aaral ng wikang Kastila.

Mabubuo ang Tesauro sa Filipino ni Jose Villa Panganiban at magkakaron ng diksyunaryong Ingles-Filipino si Father James sa tulong ng Surian ng Wikang Pambansa.

Magkakaroon ng patakaran sa pagtuturo ng bilingguwalismo o Ingles-Filipino.Sa kabila ng sabay na pagtuturo ng Ingles at Filipino ay lilikha ito ng mga estudyanteng bihasa sa Ingles at Filipino.

Sa ngayon’y sinisisi ang mga mag-aaral na mahina raw sa wikang Ingles at wikang Filipino.Samantalang ang dapat sisihin ang mga pinuno na kinaligtaang paunlarin ang kurikulum ng edukasyon ng bansa.

Lumabas ang maraming anomalya sa DECS noon na talamak ang korupsyon sa pondo ng departamento.Lagayan sa pag-aaproba ng teksbuk sa mga paaralan,pag-order ng desk,libro,pagtatayo ng paaralan at iba’t ibang anyo ng pandurugas sa malaking pondo ng edukasyon.

Pagkaraan ng mahabang rehimen ng Pangulong Ferdinand Marcos ay sisiklab ang pag-aalsa sa EDSA.Maluluklok ang Pangulong Corazon Aquino at babaguhin ang Konstitusyon o Saligambatas ng Filipinas.

Magkakaroon ng batas tungkol sa wikang pambansa ng Filipinas.Ganito ang isinasaad ng Saligambatas sa Artikulo XIV :

“Sek.6.Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino.Samantalang ito ay dapat payabungin pa salig sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng kongreso,dapat magsagawa ng mga hakbangin ang pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wikang panturo sa sistemang pang-edukasyon.(Oktubre 15,1986).”

Kung sakaling magkaroon ng pagbabago sa Konstitusyon sa ngayon na isinusulong ang Charter Change o Cha-Cha o kaya’y maging Federal Government ang Luzon,Bisaya at Mindanao. Magkakaroon kaya tayo ng pambansang wika o magkakanya-kanya tayo ng wika?

Sa anu’t anuman,dapat nating maalala ang pamana ni Rizal mula sa kanyang nobelang “El Filibusterismo” noong nag-uusap si Basilio at Simoun tungkol sa pag-aaral ng wikang Kastila.

Sabi ng Simoun,”Ano’t naghahangad kayo ngayon ng pagtuturo ng Kastila?Isang pagpapanggap na katawa-tawa kung di man kalunos-lunos ang ibubunga.Nais pa ba ninyong madagdag ng isang wika sa apatnapung sinasalita sa kapuluan upang lalo kayong hindi magkaunawaan?

…Nalilimot ng bawat isa sa inyo na habang napag-iingatan ng isang bayan ang kaniyang wika,napag-iingatan din nito ang katibayan ng kanyang paglaya,katulad ng pagpapanatili ng isang tao sa kaniyang kasarinlan,upang mapanatili niya ang kaniyang sariling paraan ng pag-iisip.Ang wika ang pag-iisip ng bayan.Ikagalak ninyong may katiyakan ang inyong kasarinlan:ipagsanggalang ito ng mga masilakbong damdamin ng tao.”

Nakarating na ang wikang Filipino sa antas na pambansa kaysa noon.mula sa midyum ng komunikasyon,Filipino ang ginagamit sa radio,telebisyon at pelikula.

Isa ring magandang balita na nalathala noon Pebrero 21,2005 sa pahayagang “LIBRE” ng Inquirer;

“Malapit nang mabasa ang “Komputer ko” “Pook-network ko” “Kompigurasyon ng sistema” at “Kahon ng mensahe” sa inyong kompyuter.

Ilang sandali lang at magagamit na sa mga lokal na pamayanan ang kompyuter ang pagsasalin sa Pilipino ng mga karaniwang katagang pangkompyuter mula sa bagong proyekto ng software giant na Microsoft Corporation.

Nais nilang himukin ang mga Filipinong hindi bihasa sa paggamit ng kompyuter na matutong gumamit nito.Naatasang magsalin ang makatang Virgilio S. Almario(a.k.a Rio Alma).”

Kung matapos ang proyektong ito’y masasabi nating nasa “cyberspace” na, ang wikang Filipino. Itaas nating ang dangal ng Wikang Pambansa.