Showing posts with label Kasaysayan. Show all posts
Showing posts with label Kasaysayan. Show all posts

Monday, September 1, 2008

Si Enrique and unang OFW

Pasintabi sa pagsulat nito sa iginagalang na pangunahing manunulat at historyador ng Filipinas, Carmen Guerrero Nakpil. Nalathala ang kanyang sinulat na may pamagat na "The First OFW" sa The Philippine Star, Linggo, Mayo 4, 2008. Isang pagpupugay ito sa hinahangaan at iginagalang na manunulat sa ating bansa.

Kalalabas lamang ng kanyang dalawang aklat na "Autobiographical Trilogy"na "Myself ,Elsewhere" at "Legends and Adventures." Kasalukuyang siyang tagapangulo ng Manila Historical Heritage Commission.

Ganito ang kanyang paglalarawan kay Enrique, "Bandang 1508, una nating makikita ang ating bayani, kabataang Malay mula sa arkipelago na tatawaging kalaunan na Felipinas, nakasuot ng maikling sarong na di matiyak ang kulay, nakatayo sa init ng araw sa magaspang na tablang entablado sa palengke ng mga alipin, sa Mollucas (Malaysia). Ang kanyang katayuan bilang alipin, ay patunay na iniwan niya ang Silangang Bisaya na ang ma piratang Muslim ay sumalakay para sa kanilang negosyo ng pag-angkat ng alipin.

Isa pang magandang paglalarawan sa pagtatagpo ng alipin at panginoon, "Nang araw na iyon sa Mollucas ang pagngiti ang umakit sa bihasa na sa unos na magdaragat (seaman) at lagalag (explorer) na nakatayo sa maingay na palengke ng bentahan ng mga alipin. Isa siyang Portuges, aristokratang Fernao Magalhaes (lalong kilalang Ferdinand Magellan). Sumang-ayon siya sa nakita sa nadakip na Malay: nakataas ang ulo na mahaba, makapal ang itim na buhok: malapad ang balikat, makintab at di nasisindak sa pangangatawang malusog na kalamnan,malakas at matatag na mga binti.

Pasulong na humakbang ang namimili at binili ang Malay sa ibang salaping ginto. Natapos ang transaksiyon sa pagbibinyag ng kasamang prayle sa paglalakbay ng Kristiyanong pangalan na nang panahong iyon ay kilalang Santo "Enrique" at iniuwi sa bahay ng kanyang panginoon,sa Portugal. Naglakbay sila sa Indian Ocean, patungong kanlurang baybayin ng Africa, patungong Lisbon. Pagkalipas ng sampung taon si Enrique ang pangunahing alipin, "arquebus carrier" at mahalagang alalay. Maaaring kasama siya ni Magellan sa kampanya ng pakikidigma laban sa mga rebeldeng Moorish sa North Africa, nang mapilayan ang tuhod ng bumagsak ang kanyang kabayo sa digmaan, sa mga taong minamaniobra ni Magellan ang landas tungo sa korte ng Byzantine Renaissance sa Lisbon at Madrid, na si Enrique ay natuto ng mga wikang Portuges, Kastila at kahit Pranses."

Sa paglalarawang ito sa alipin at panginoon ay lalong magkakakulay ang pagkatao ni Enrique bilang alipin, interpreter sa pagkakadiskubre ng ating bansa.

"Labis ang kagalakan na makakauwi siya sa tinubuang lupa. Si Enrique ay binigyan ng tulugan sa barko o Flagship Trinidad. Ang limang barko (fleet) at umalis mula sa San Lucas de Barrameda sa Espanya noong Setyembre 1519 kasama ang mga opisyal at tauhan sa barko na may bilang na 260, Kastila, Portuges, Pranses, Taga-Bretanya at taga-Hilagang Africa. Ang ekspedisyon at dumanas ng maraming paghihirap at matinding sakuna: kakulangan ng tustos na gamit; tatlong ulit na kaguluhan (mutiny) at pagsasabwatan, malakas na bagyo, kanibalismo, mararahas na kamatayan. Mula Espanya ay naglakbay ang barko patungong Cape Verde, tumawid sa Atlantiko at naglayag sa paligid ng dalampasigan. Inutusan si Enrique na makipagtalastasan sa mga kayumangging tao sa dalampasigan. Sumagot sila sa magkatulad na wika na naghuhumiyaw ang pagkilala at pamilyaridad. Si Magellan,at ang ibang Europeo sa tatlong itim na galleon ay umapaw ang pagtanaw ng utang na loob at nawala ang pangamba, kahit sa sandaling di nila matiyak kung nasaan na sila o kung saan talaga nanggaling si Enrique. Natagpuan nila ang magnipikong kanlungan at kakaibang pagkain (isda, masaganang kanin, inihaw na baboy o litson na may masarap na sarsa, sa mahangin, madamong kubo, ang katutubong Hari ay may dekorasyon ng malalaking kuwintas na ginto."

Ayon pa rin sa pananaw ng manunulat at historyador Carmen Guerrero Nakpil, "Si Enrique ang unang dokumentadong OFW, at unang balikbayan. Hinahulaan natin ang isinigaw ni Enrique sa mga tao sa dalampasigan. Ito ba'y "Hoy! Kayo diyan. Nakabalik na rin ako." "He had one more to teach the white men. He was against doing battle with Lapu-lapu who had resisted Christianity ang Spanish sovereignty. Enrique refused to get off the boat of Magellan."

"Makaraan mamatay si Magellan nang matalo sa digmaan, hindi na sumama si Enrique sa mga taga-Europa na nalabing buhay, na nagsabing siya'y alipin at pag-aari ng biyuda ni Magellan. Nakabalik na siya sa sariling bayan at nais niyang lumagi. Handa siyang pumatay kung kinakailangan upang manatili sa lupang tinubuan at kapiling ang kanyang mga kababayan."

Monday, August 25, 2008

Ang Filipino sa Madrid

Hindi sila ang ang mga Filipinong naghahanap ng trabaho sa Madrid.Sa panahong iyon ay dumaong ang mga Filipino sa Madrid, ang mga makabayang Filipino nagnanais na maging malaya ang Filipinas o kilalaning ang kabansaan ng bansang Filipino. Umaasa ang mga mga edukadong Filipino na kilalaning ng bansang Espanya ang pagtagtatag ng ating bansa.

Naroroon na sina Rizal at Graciano Lopez sa Jaena sa Madrid at ang mga kapwang Filipinong nagnanais na kalayaan ng bansa. Marami silang kakilalang Espanyol na kaisa upang makamit ang pagkilala ng Espanya sa Filipinas bilang bansang kaayado at nagnanais na maging bahagi ang Filipinas ng tinatawag nilang Inang Espanya sa pag-aakalang tatangkilikin sila ng kinikilala nilang Inang bansa.

Dumating si Marcelo del Pilar sa sa Barcelona noong unang araw ng Enero 1889 matapos magbiyahe ng isang buwan mula sa pantalan ng Hongkong. Ganoong katagal ang biyahe sa barkong dadaong sa Barcelona.Sinalubong si del Pilar ng mga makabayang Filipino noon.

Tumakas sa Filipinas si del Pilar dahil sa payo ng mga lider sa Bulakan na sina Gregorio Santillan,Manuel Crisostomo upang makaiwas sa pagtugis ng mga prayleng Espanyol. Nagtatag ng Komite ng Propaganda sina Deodato Arellano,bayaw ni Del Pilar, Doroteo Cortez, Ambrosio R.Bautista at gurong Pedro Serrano Laktaw. Itinalaga si si del Pilar na magiging kinatawan upang maitatag ang pahayang propaganda at maninirahan sa Espanya.

Itinatatag ang pahayagang "La Solidaridad noong Pebrero 15,1889.Naging unang editor si Graciano Lopez Jaena.Si Graciano ang kinikilalalng mahusay manulampati sa Madrid at tinaguiriang siyang "Demosthenes" ng mga Filipino sa Madrid. Pero tinuligsa ni Rizal ang ugali ni Graciano na kung minsan ay nagsusuot ng kupas na amerikana at nagpupunas sa damit kapag kumakain ng sardinas. Sa ating panahon masasabing Si Graciano ay "jeprox" at walang paki sa mundo.

Pagkaraan ng halos siyam na buwan bilang editor ng "La Solidaridad" na ang bansag ay "Sol" pumalit na editor ng Sol si Marcelo del Pilar noong Disyembre 1889. Gumamit ng sagisag-panulat si Rizal na Dimasalang at Laong Laan. Si Mariano Ponce ay Kalipulako.Tikbalang si Naning Ponce at si Antonio Luna ay Taga-ilog at si Jose Maria Panganiban ay Jomapa.

Nagkaroon nang sigalot sa Madrid noong Disyembre 30,1890 kung sino ang pinili na "resposanble" sa Madrid. Nagpatas ang dalawa, sina Rizal at del Pilar, ilang ulit itong ginawa at pumayag na si del Pilar na si Rizal ang magiging lider sa Madrid.Nagtampo si Rizal at umalis nang Madrid.

Ganito ang ang liham ni Rizal" Ang panahon ang magsasabi kung sino ang may katwiran. Ibig kong ipaliwanag na kailanman ay di ako tutol sa pagtaas ng sinumang bagama't aking ikalalagpag." Liham ito noong Oktubre 13,1891 ni Rizal kay Del Pilar. Sinundan pa ito ng liham ni Rizal,"Sayang na sayang ang gawaing binalikat natin dalawa. Ako'y naniniwalang sa ubod at ubod ay may pagtingin ka sa akin, ako naman ay may pagtingin sa iyon, higit marahil sa iyong inaakala."

Huling lumabas ang pahayagang "La Solidaridad" noong Nobyembre 15,1895 sa Madrid.Noon pa ay nasabi ni Rizal na "Wala na sa Madrid ang labanan." hinikayat ni Rizal na umuwi na sa Filipinas si del Pilar ay doo'y magkasama nilang ipaglaban ang paggigiit ng kalayaan ng Filipinas.

Gayunma'y nakita rin ni del Pilar, "Ang huling lunas ay insureksyon, lalo't napatunayan ng mamamayan na walang nang silbi ang paniniwala na makukuha sa mapayapang paraan ang lunas sa kabuktutan." Pero inabutan si Marcelo del Pilar ng takipsilim sa Barcelona sa pamumulot ng upos ng sigarilyo at tiniis ang gutom at kasama si Mariano Ponce sa huling pagkapatid ng hininga sa Barcelona noong Hulyo 4, 1896. Pagkaraan, sumiklab na ang himagsikan ng Katipunan sa Pugadlawin noong Agosto 23,1896.

Naunang yumao si Graciano Lopez Jaena sa sakit na tuberkulosis sa Barcelona, Espanya noong Enero 20,1896. Samantalang binaril naman si Rizal sa Bagumbayan noong Disyembre 30 1896.

Kung susuriin ang mga propagandista sa Madrid ay nagwakas ang pakikipaglaban ng mga Filipinong makabayang manunulat sa Madrid ay nagwakas sa taong 1896. Ang mga pangunahing tauhan sa kasaysayan ng pakikipaglaban ng mga Filipino tungo sa pagsasarili at kabansaan ay isinakaluluwa nina Rizal,del Pilar, Lopez Jaena at mga propagadistang Filipino sa Madrid.

Bagaman sinikap ni Marcelo del Pilar na sana'y magkatagpo sila nina Rizal upang isulong ang himagsikang Filipino sa Hongkong ipinagbilin niya kay Deodato Arellano ang kanyang plano at itinatatag ang KATIPUNAN at siya ang naging unang pangulo. Sumiklab ang himagsikan ng KATIPUNAN noong Agosto 23 o 24 sa Balintawak o Pugadlawin sumilang ang Dakilang Mithiin ng sambayang Filipinop na ipaglaban ang kanilang KASARINLAN.

Hindi na nakita nina Rizal,del Pilar at Lopez jaena ang bunga ng kanilang sakripisyo upang itindig ang dangal at kabansaan ng bansang Filipinas.

Sa buwan ng Agosto ay dapat nating gunitain ang pagsasakit at kabayanihan ng ating mga ninuno. Sa ngayo'y limot na o di na inaalala ang mga pagsasakit ng magigiting na Filipino na nagbuwis ng buhay para sa kalayaan at kasarinlan ng ating bansa.

Gayundin ang pag-alaala sa kapwa Filipinong tumatawid sa ibayong dagat upang tulad nina Rizal na minimithi ang kalayaan o kalayaang pangkabuhayan sa ating panahon.Nasa kanila ang kagitingang tumutugon sa ating panahon.

Ito ang panahong ng pagtataas ng kabayanihan at kagitingan ng lahing Filipino sa panahon ng malalang krisis sa bansa. Itaas mo, kabayan.