Wednesday, September 3, 2008

May Pinoy saan mang digmaan sa mundo

Kamakailan nang lusubin ng tropa ng mga sundalong Ruso ang Georgia,nalathala sa mga pahayagan natin na may mga Filipinong tumakas upang di maipit ng digmaan. Siyempre, malaking balita ito para sa ating mga Filipino. Nakagugulat na may mga kababayan pala tayong naipit ng digmaan sa Georgia na dating sakop ng bansang Rusya.

Naalaala ko tuloy ang yumaong kaibigan makatang Mike Bigornia at Marne Kilates na nagpunta noon sa Rusya bilang kinatawan ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) sa aming "exchange program" ng Unyon ng mga Manunulat sa Rusya. Ako sana ang nakatakdang pumunta pero tinanggihan ko, at ibinigay kay Mike ang aking "slot."

Bandang dekada nobenta noon at naikuwento nina Marne at Mike na may sigalot na namumuo sa Georgia tungkol sa pagkalas nito sa Unyong Sobyet. Ang Georgia ay kilalang may paggawaan ng alak na vodka sa Rusya. Di nga naglaon ay nagsariling Republika ang Georgia hiwalay sa bansang Rusya. Pero ang aking mga kaibigang makata ay bisita lamang doon. Pero ngayon pala'y nararating na ng ating mga kababayan na nagtratrabaho sa Georgia.

Noong sumiklab naman ang digmaang Pakistan-Lebanon ay may mga Filipinong ililikas ng pamahalaan sa Lebanon. Marami palang kababayan doon na dumanas ng malupit na karanasan sa mga among Lebanese. Pero may nakapag-asawa na roon ng taga-Lebanon at naging maunlad naman ang buhay.

Nakasulat ako ng tula na may pamagat na "Sikalab sa Lebanon" na batay sa nabasa kong karanasan ng ating mga kababayan na nalathala sa pahayagan nakalulungkot na ang iba sa kanila ay ikinukulong sa bahay at di makalabas. Ang iba'y lumulundag mula sa apartment na tinitirhan upang makatakas lamang.

Sa digmaan sa Iran-Iraq ay lalong maraming Filipino ang naipit ng digmaan. Inililikas sila at dumadaan sa Kuwait ng puwersang nakatalaga sa paglilikas ng mga Filipino sa digmaan. May nakaligtas at ang ibang naabutan ng mga sundalo ay dumaranas ng lupit at may nagagahasa pa sa Kuwait ng mga sundalong Kuwaiti o Iraqui.

Maaalaalang binigyan ng ating gobyerno ng kumpensasyon ang mga Filipinong inabutan ng digmaan sa Iraq at Kuwait. Isang kuwento ng isa sa mga nakuha ng kumpensasyon ay nakapila, si Boy na nakasama ko sa trabaho. Sa mahabang pilang iyon ay nakakuwentuhan sila ng karanasan sa nangyari sa kanila. Isang mapait na pangyayari ang nangyari na dinaan sa siste ng isang babaeng magkukuwarenta anyos na.

Tanong ni Boy, "Manang ano po ang nagyari sa inyo noon ng giyera sa Iraq?" Alanganin ang ngiti ng babae, "Naku iho,nagahasa ako doon sa Kuwait nang dumating na sundalo."

"Ano ang ginawa ninyo?" tanong muli ni Boy. "Ano pa ang magagawa mo, kaya lang pogi at kabataan yung sundalo," sagot ni Manang. Umugong ang tawanan sa kanilang grupo at maging si manang ay masisteng inilahad ang mapait na karanasan. Ganyan nga yata ang ating mga kababayan na dinadaan sa siste ang masaklap na nangyayari sa buhay.

Sa ngayon, kahit bawal ang pagpunta sa Iraq ay may pumupuslit na makapagtrabaho sa bansang ito. May balita pa noong ang mga Filipinong nakapuslit na magtrabaho kahit bawal ay ginagamit namang tagadala ng panustos na kagamitan sa digmaan sa Iraq. Hindi nila inaasahang ang trabaho nila ay maging "pambala sa kanyon" ng marahas na digmaan.

Ngayon naman ay nagbabala ang Department of Foreign Affairs na huwag magpadala ng mga Filipino sa Somalia. Dahil malala ang kidnapan sa Silangang Africa. Kahit ang ating mga nagtratrabaho sa karagatan at sa bansang Somalia ay ipinagbabawal na makapagtrabaho. Laganap doon ang kidnapan at ang pangdarambong ng mga pirata.

Kailangang laging handa ang ating gobyerno sa anumang kaguluhang mangyayari sa buong mundo. Pero kapag sumisiklab ang digmaan saan mang panig ng mundo, magugulat na lamang tayo na may Filipino palang nagtratrabaho doon na di na nasusubaybayan ng ating pamahalaan. Talagang ganoong ang Pinoy na madiskarte, sinusuong ang panganib upang makaahon sa kahirapan.

Kung sa sariling bansa nga'y may sumusubong digmaan sa Mindanao na bunga ng di pagkakasundo tungkol sa MOA na ngayo'y nakabinbin ang pagpapasya at nasa Korte Suprema pa. Tunay na malupit ang digmaan at mahaba ang landas tungo sa pagnanais ng kapayapaan. Kung mismong kapwa Muslim din ang magpapasimuno ng digma at kapwa Muslim din ang masasalanta nasaan ang pangarap na kapayapaan?

No comments: